Malapit na muling ilabas sa madla ang mga lumang produkto na ngayon ay nasa bagong balot. Makakarinig na naman tayo ng mga pangako ng madaling lunas para sa mahihirap na suliranin. Mangangako na naman ng langit sa lupa at bukod tanging ihahandog ang buwan at mga bituin, makamtan lang ang makasariling ninanais. Kakaibiganin nila ang lahat, kunwa’y may malasakit. ‘Yon pala’y nambobola. Ang kanilang sinasabi sa lahat ay tiyak na kabaliktaran ng kanilang ginawa kapag ang lahat ay nakatalikod na. Nalalasing sila sa kapangyarihan at gagamit ng sandata, sanggano at salapi upang ang mamamayan ay paikutin sa kanilang palad. Sa pagdami nila ay dumadami rin ang mga mamamayan na nabobola at nagpapabola. Upang tahasang sirain natin ang kapakanan ng inang bayan, hayaan natin na muli tayong magpalinlang at malinlang ng mga lobong ito na nagbabalatkayong-tupa. Sa gayon ay wala na ngang pag-asa ang pagkabulag at pagka-alipin mula sa mga tiwaling puno ng bayan, sapagka't hindi na tayo nagmamalasakit sa ikadarakila at ikatatanghal ng inang bayan.
top of page
bottom of page
Comentarios