Hindi ako naniniwalang may pangkalahatan na makatwirang pagpili ng mga pinuno sa ating bayan sapagkat patuloy pa ring namamayagpag ang mga nagmimistulang hari sa kapangyarihan na pinagsisilbihan sa halip na mga lingkod na nagsisilbi sa madla. Nagtatanghal sila kanilang mga sarili sa mga proyektong natapos (sa halip na itanghal na lang ang kasaganaan ng inang bayan) na para bang sa kanilang mga bulsa nagmula ang perang ginamit. Di ko mawari ang kanilang pagyaman. Para bang ang pulitika ay nagiging pinagmulan ng yaman. Bagama’t may mga proyekto ang pamahalaan, napabagal naman ng pag-unlad ng ating bayan at karamihan sa mga matinding suliranin ay hindi nalulunasan. Sa halip ay nagsisilang pa ito ng bagong suliranin. Sa aking palagay, ang pag-unlad at pagsulong ng bayan ay hindi lamang nakasalalay sa mga pinuno kundi sa mga taong nagluklok sa kanila. Kabahagi ang mga mamayan sa pinsala at kapus-palad na nangyayari sa inang bayan.
Ilang sandali pa ay maglalabasan na muli, manunukso at manunudyo ang mga nagbabalak na sumabak sa pulitika. Sila ang mga lumang produkto sa bagong lalagyan. Maging maingat sa pagsisiyasat at sa pagpili. May pag-asa pa rin na lilitaw ang mga lingkod-bayan na may takot sa Diyos, may pagsasa-alang-alang sa sariling puri, may pag-ibig sa sariling bayan, may pag-ibig sa mga kababayan, at may pag-ibig sa kapwa.
Comments